US dedepensa sa Pinas

Siniguro ni US Pres. Barack Obama sa tropang Pinoy at Kano na dedepensahan ng Amerika ang Pilipinas sa kanyang mensahe sa Army gym, Fort Bonifacio sa Taguig City kahapon bago tuluyang umalis sa bansa. Ang Pilipinas ang huli sa 4-nation trip ni Obama kabilang ang Japan, South Korea at Malaysia. VAL RODRIGUEZ

MANILA, Philippines - Hindi iiwan at handang idepensa ng Estados Unidos ang Pilipinas sa pa­nahon ng krisis o kagipitan.

Sa kaniyang talumpati sa AFP at US troops sa Army Gym and Wellness Center sa Fort Boni­facio, Taguig City, sinabi ni Obama na sa loob ng 60 taon ay tumagal ang matatag na alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng Mutual­ Defense Treaty (MDT).

“In other words, our commitment to defend the Philippines is ironclad and the United States will keep that commitment, because allies never stand alone,” giit ni Obama sa nagpapa­lakpakang tropang Pinoy at ng counterpart nito sa US troops.

Sa kabila nito, naniniwala naman ang US President na ang anumang sigalot ay mabibigyang solusyon sa mapayapa at diplomatikong paraan na hindi na kailangang humantong pa sa ka­ra­hasan.

Sa naunang joint press conference, na­ging mailap si Obama sa pagbibigay ng sagot kung handa nitong idepensa ang Pilipinas sakaling lusubin ng China hinggil sa umiinit na territorial dispute.

Pero iginiit nitong ma­lalim ang pagkakaibigan ng US at Pilipinas sa kabila ng malawak na karagatang pagitan.

Sa state dinner kamakalawa ng gabi ay sinamantala rin ni Obama na kilalanin ang mga magulang ni Pangulong Aquino, gayundin ang parehong pagkahilig ng mga Pilipino at Amerikano sa basketball, pag­hanga kay Manny Pacquiao kahit minsan daw tinatalo nito ang kanilang pambato.

Espesyal ding pinasalamatan ni Obama si Cris Comerford, ang exe­cutive chef sa White House kaya siya nawili na ring kumain ng lumpia at adobo.

Dahil naman sa nasabing commitment at suporta ng US, ginawaran ni Pangulong Aquino si Obama ng Order of Sikatuna na may ranggong Raja o Grand Collar, ang pinakamataas na parangal mula sa gob­yerno ng Pilipinas.

Samantala, mga pagkaing Pinoy din ang bida sa state dinner kabilang dito ang appetizer na kilawing ulang o lobster mula sa Guimaras, pako at sari-saring talbos na may halayang kalamansi.

Kasama sa main course ang Lapu-Lapu na may pili nut crust, ni­lupak na kalabasa at ginataang gulay. Gayun­din ang pocherong lamang dagat na may suahe, scallops at tinapang tahong. 
Mayroon ding US prime rib inasal at samu’t saring gulay mula Batangas.

Bandang alas-11:30 ng tanghali kahapon ay umalis na ng bansa si Obama pabalik sa Washington.

Show comments