Napoles takot nang humarap sa Senado

MANILA, Philippines - Mas nais ng kampo ng tinaguriang pork barrel scam queen na ‘proper forum’ na ang mag-imbestiga sa kaso  matapos ang ginawa nitong ‘tell all affidavit’ kay Justice Secretary Leila de Lima.

Ayon kay  Atty. Bruce Rivera, tagapagsalita ni Napoles,  takot ang bumabalot ngayon sa kanyang kliyente sakaling paharapin sa Senado. Nabatid na sumulat na sa Senate Blue Ribbon Committee si Senadora Miriam Defensor Santiago na muling paharapin si Napoles.
Sinabi ni  Rivera na takot nang humarap si  Napoles  dahil  dawit ang ilang mga senador  na  magsasagawa  din ng  imbestigasyon kaya’t posible na  proper investigating body ang Ombudsman, DOJ at NBI. 

“Unfair” anyang tawaging sinungaling ang kanyang kliyente kung babalikan ang mga naging pagtanggi at pananahimik ni Napoles sa unang pagharap nito sa Mataas na Kapulungan.
Hindi anya ito sa walang karapatan ang Senado na mag-imbestiga ngunit “at this point mas may delicadeza ang DOJ at Ombudsman ang mag-investigate.”

Ngunit oras na matanggap ang liham na magpapaharap sa Senado, mag-uusap sila ng legal counsel ni Napoles kung magtutungo ito sa Senate hearing.

Naninindigan naman aniya ang kanilang kampo na walang ibang rason sa pagsasalita ngayon kundi ibunyag lamang ang katotohanan.

Hindi anya hiniling ni Napoles na maging state witness at nasa korte rin naman ang desisyon kung pagbibigyan ito. “Ang bola po ay nasa kanila po,” ani Rivera.

Sa ngayon, inamin ni Rivera na wala silang ideya kung ano ang susunod na mangyayari matapos ang kanilang pakikipag-uusap sa DOJ.

 

Show comments