MANILA, Philippines – Matapos ang maaliwalas na panahon nitong Mahal na Araw sa Eastern Visayas, muli na naman silang daraanan ng low pressure area, ayon sa state weather bureau ngayong Lunes ng umaga.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sama ng panahon sa 901 kilometro silangan ng Guiuan Eastern Samar kaninang alas-10 ng umaga.
Kung sakaling maging ganap na bagyo ang LPA ay pangangalanan itong “Esterâ€, ang ikalimang bagyo sa bansa ngayong taon.
Magiging maulp ang kalangitan ng Eastern Visayas partikular sa Samar na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman ang asahan sa Metro Manila na may pag-ulan sa hapon o gabi.
Nitong nakaraang dalawang linggo ay may dumaan ding low pressure area bago naging si Bagyong Domeng ngunit humina rin.
Ang Eastern Samar ang binayo ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan higit anim na libo ang nasawi Nobyembre ng nakaraang taon.