MANILA, Philippines - Walang sama ng panahon ang papasok sa bansa hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay, ayon sa state weather bureau ngayong Biyernes.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magandang panahon ang mararanasan sa buong bansa maliban sa mga pulu-pulong pag-ulan sa hapon o gabi.
Maaraw na bahagyang maulap na papawirin ang mararanasan dahil sa pananaig ng easterlies sa susunod na dalawang araw.
Sa inilabas na advisory ng PAGASA ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap ang kalangitan ng Hilagang Luzon na may pulu-pulong pag-ulan sa hapon o gabi.
Mahina hanggang katamtamang buga ng hangin mula silangan at hilaga-silangang ang iihip sa Luzon at Visayas, habang mula sa hilaga-silangan at hilaga-kanluran naman sa Mindanao.
Nitong nakaraang linggo ay inulan ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa low pressure area na kalaunan ay naging si Bagyong "Domeng" ngunit wala naman itong direktang epekto bago pa man humina ulit.