MANILA, Philippines - Nagpiyansa na kahapon ang freelance model na si Deniece Cornejo matapos itong makasama at masangkot sa kasong pambubugbog sa actor at TV host na si Vhong Navarro noong Enero 22, 2014 sa Taguig City.
Alas-11:00 ng umaga nang dumating si Cornejo sa sala ni Judge Bernard Bernard, ng Taguig City Metropolitan Trial Court (MTC), Branch 74 para maglagak ng halagang P12,000 bilang piyansa nito para sa kasong grave coercion na isang bailable offense.
Nauna nang naglagak ng piyansa ang isa pang akusado na si Jed Fernandez sa kaparehong kaso.
Bukod sa grave coercion, nahaharap din sa kasong serious illegal detention ang nabanggit na mga akusado na isa namang non-bailable offense.
Kasabay nito, pinakilos na ni Justice Secretary Leila de Lima ang National Bureau of Investigation (NBI) para arestuhin ang lima sa pitong akusado na bigong makapagÂlagak ng piyansa para sa kasong grave coercion.
Ang lima ay sina Cedric Lee, Berniece Lee, Zimmer Rance, Jose Paolo Calma at Ferdinand Guerrero.
Sinabi ng kalihim na ang warrant of arrest na ipinalalabas ng hukuman ay hindi dapat na binabalewala at tungkulin ng mga miyembro ng law enforcement na ito ay ipatupad.
Una na ring sinabi ni de Lima na hinigpitan na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagbabantay sa mga pantalan at paliparan para matiyak na hindi makakatakas palabas ng bansa ang mga akusado sa pambubugbog kay Navarro.
Bukod pa ito sa kaugnay na kasong serious illegal detention na nakabinbin pa sa Taguig RTC Branch 271, na hindi pa pinagpapasyahan ang merito kung maglalabas ng warrant of arrest.
Matatandaang si Cornejo ay nagsampa ng reklamong rape laban kay Navarro noong Enero 22 na ibinasura naman ng DOJ dahil walang nakitang probable cause ang mga proÂsecutor.