Salvage victim natagpuan

MANILA, Philippines - Hinihinalang biktima ng salvage ang isang lalaking­ natagpuang wala nang buhay at nakasilid sa isang garbage bag sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.

Ang biktima ay naka­tali ng alambre sa katawan at dahil sa higpit ng pagkakatali ay halos dumikit na ang mga paa nito sa kanyang mukha.

Batay sa ulat ng Man­da­luyong City Police, dakong alas-7:00 ng umaga­ nang madis­kubre ng mga residente ang bangkay sa Madison St. corner Ilaya, Mandaluyong City.

May tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima na siyang ikinamatay nito. Lumilitaw na hindi tagaroon ang biktima dahil­ walang nakakakilala sa kanya.

Maaaring sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lamang sa na­turang lugar upang iligaw ang mga pulis sa kanilang imbestigasyon.

Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa St. Bernard­ Funeral Homes habang iniimbestigahan pa ang insidente.

 

Show comments