MANILA, Philippines – Hinayaan ng korte sa Makati ngayong Biyernes na sumailalim sa isang operasyon ang kontrobersyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa Ospital ng Makati (OsMak).
Pinayagan ni Judge Elmo Alameda ng Makati City Regional Trial Court branch 150 si Napoles na magpaopera sa OsMak at hindi sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City.
Naunang hiniling ni Napoles na ipaopera niya sa St. Lukes ang kanyang matres na may myoma, ngunit tinanggihan ito ng korte.
Kasalukuyang nakakulong ngayon si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna dahil sa kasong serious illegal detention na isinampa ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy.
Nitong Pebrero 26 ay dinala si Napoles sa kampo ng Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City upang suriin ang iniindang sakit sa kanyang puson.
Matapos ang iba’t ibang pagsusuri sa kalusugan ni Napoles ay kaagad din siyang ibinalik sa Sta. Rosa dahil ayon sa doktor na tumingin ay hindi naman nakaaalarma ang kalagayn ng negosyante.