MANILA, Philippines -Isang Pinoy nurse ang natagpuang wala nang buhay at naliligo sa sariling dugo sa kanyang tirahan sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa report na nakarating sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, kinilala ang Pinoy na si Allan Dultra, 53, isang oncology nurse sa King Faisal Specialist Hospital and Research Center sa Riyadh. Siya ay nasawi bunga ng matinding tama ng patalim sa leeg.
Nabatid naman sa Arab News na isang kapwa Pinoy na hindi pa tinukoy ang pangalan ang inaresto ng Riyadh Police na sinasabing suspek sa pagpatay sa biktima.
Nauna rito, ini-report sa isang lokal na police station ang pagkawala ni Dultra ng isang kinatawan ng ospital na kanyang pinapasukan matapos na mabigong pumasok sa trabaho. Bunsod nito, pinuntahan ng pulisya ang tirahan ng biktima at dito nadiskubre ang kanyang katawan na naliligo sa sariling dugo.
Nagkaroon umano ng magandang relasyon ang biktima at suspek hanggang sa nagkahiwalay. Nang magkita ay inimbitahan umano ng Pinoy nurse ang suspek sa tirahan ng una kung saan nagkaroon umano ang dalawa ng matinding pagtatalo at awayan.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima noong nakalipas na linggo kasama ang isang Pinoy na nagtatrabaho sa isang restaurant sa Riyadh. Hindi rin siya makontak sa kanyang celphone simula Marso 16.