MANILA, Philippines — Matapos hindi makasama sa graduation ng Philippine Military Academy (PMA), nais na lamang ng nasipang si Cadet 1st Class Jeff Aldrin Cudia na malinis ang kanyang pangalan mula sa isyung bumayo sa kanyang buhay.
Sinabi ng ama ni Cudia na si Renato na hinihingi na lamang nila ang diploma ng kanyang anak mula sa PMA.
"Ang layunin po ng aming pagsasampa ay upang malinis ang aming pangalan, makuha ang diploma upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang aming anak," wika ng ama sa kanyang panayam sa telebisyon ngayong Martes.
Kaugnay na balita: Biazon pinigilan si Cudia na ituloy ang pagsusundalo
Samantala, naghain naman ng petisyon si Public Attorney's Office chief Persida Acosta sa Korte Suprema upang ibigay ng PMA ang diploma ng kadete at ang pagdeklara sa kanya bilang “honorable dismissal.â€
Magtatapos sana bilang salutatorian si Cudia ngunit hindi sinipa dahil sa paglabag umano sa Honor Code ng PMA matapos magsinungaling sa dahilan ng kanyang pagkakahuli ng dalawang minuto sa klase.
Sinabi ni Acosa na walang “due process†na naganap nang patalsikin si Cudia.
"Dapat pinatutupad ang Honor Code na may hustisya," banggit ni Acosta.
Sinabi ng nakatatandang Cudia na nais na lamang ng kanyang anak na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
"Ang sabi lang n'ya parang gusto rin po n'ya, nalalandas rin sa kanyang pinag-aralan, sa maritime po rin ang gusto n'ya," sabi ng ama.
"Sa ngayon at least nakakapag-adjust na rin siya unti-unti doon sa nangyari sa kanya, bagamat may lamat sa kanyang puso at isipan ang bagay na 'yon," dagdag niya.
Sinabi pa ni Renato na naghain sila ng hiwalay na petisyon sa mataas na hukuman upang hilingin kay Pangulong Benigno Aquino III na maglabas na ng desisyon sa kaso ng kadete.
Bilang Pangulo ay si Aquino ang tumatayong commander-in-chief ng buong sandatahang lakas.
"Pinapaghintay kami ng isang linggo, pero dumating na po ang takdang oras na hiningi n'ya sa'min at wala po kaming na-receive na sulat na may pasabi. Kaya muling kumakatok kami sa Supreme Court."
Nauna nang ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Cudia na pigilan ang desisyon ng PMA upang makasama ang kadete sa graduation.