MANILA, Philippines -- Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines ang pahayag ng kampo nina Communist Party of the Philippines (CPP) leaders Benito at Wilma Tiamzon na "planted" ang ebidensya sa kanila nang masakote nitong Sabado.
Sinabi ni AFP spokesman Lt. Col. Ramon Zagala na nabawi sa mga Tiamzon ang hindi lisensyadong mga armas, apat na laptop, 16 na mobile phone at 20 flashdrives nitong Marso 22 sa Aloguinsan, Cebu.
Dagdag niya na hindi totoong tatlong tuta at apat na pusa lamang ang dala ng mag-asawa, taliwas sa pahayag ng abogadong si Rachel Pastores.
Kaugnay na balita: Walang immunity sa mga Tiamzon – De Lima
"Wala pong katotohanan 'yung mga sinasabi nila, 'yun ay palusot lamang nila. The fact remains na nakitaan po sila nito lahat," wika ni Zagala sa isang panayam sa radyo ngayong Martes.
"Kung merong aso't pusa man, nakadokumento sana 'yan kasi nakadokumento lahat ng nakuha sa kanila," dagdag niya.
Nahaharap sa kasong 15 counts ng murder ang mag-asawa at illegal possession of firearms.
Kaugnay na balita: Pag-aresto kina Tiamzon at Austria ilegal! - grupo
Kahapon ay nag walkout sina Tiamzon at Pastores sa inquest proceedings sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame dahil anila'y sa korte sa Leyte dapat ito gawin at hindi sa Manila Regional Trial Court.
"Hindi kami magpa-participate sapagkat highly irregular 'yun, walang jurisdiction 'yung mga state prosecutor na mag-inquest sa Manila," banggit ni Pastores.
Paliwanag ni Zagala na kailangang matiyak ang seguridad ng dalawa dahil sila ang high profile suspects.