Mag-asawang opisyal ng BIR, sibak sa puwesto

MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, mag-asawa ngayon ang sabay na sinibak sa puwesto matapos mapatunayan ng tanggapan ng Ombudsman na guilty ang mag-asawang re­venue officers ng  Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kasong  grave misconduct, serious dishonesty at non-dis­closure of assets.

Sabay na sinibak sa puwesto ang mag-asawang sina Marlon at Emma Pascual ng BIR bunga ng pagkakaroon ng mga ito ng mamaha­ling sasakyan tulad ng Ford Explorer, Honda CRV, Hyundai Starex at isang Mitsubishi car na nakarehistro sa kanilang anak.

Ayon sa  Ombudsman, hindi makaka­yanan ng mag-asawa na makabili ng mga ganitong uri ng sasakyan gayung umaabot lamang sa P278,424 ang kinitang sahod nilang mag asawa noong  2001.

Sinasabing hindi nailagay ng mag-asawa sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang mga hindi maipaliwanag na ari-arian na isang paglabag sa batas.

Hindi naman pinaniwalaan ng Ombudsman na ang mag-asawang Pascual ay nag negosyo kayat nakabili ng mamahaling mga sasakyan.

Bukod sa sibak sa trabaho ang mag-asawa, hindi rin ang mga ito makakatanggap ng kanilang retirement bene­fits, kanselado ang civil service eligibility at hindi na maaaring pumasok ng trabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.

Show comments