MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ng kilalang broadcaster at news anchor na si Erwin Tulfo ang lumabas na artikulo sa isang pahayagan na nagsasangkot sa kanya sa P10 bilyong PDAF scam.
Sa nasabing artikulo na nailathala nitong Miyerkules, Marso 19, sinabi umano ng dalawang opisyal ng National Agri Business Corp. (NABCOR) na tumanggap ng suhol si Tulfo sa pamamagitan ng isang tseke na nagkakahalaga ng P249,000.
Nakasaad pa na ang suhol ay pinalabas na “advertisement paymentâ€, ayon sa mga dating Nabcor officials na sina Rhodora Mendoza at Vic Cacal.
Ang nasabing tseke umano na may petsang March 2009 ay na-encash sa UCPB bank sa Ortigas.
Pero ayon kay Atty. Nelson Borja, abogado ni Tulfo, kung meron mang tseke ito ay hindi suhol at bayad sa commercial placement o advertisement ng DA o Nabcor sa DZXL kung saan dating nagtatrabaho bilang radio anchor si Tulfo, at ito ay kinaltasan ng buwis at suportado ng mga dokumento.
Iginiit ng abogado na malisyoso ang artikulo dahil wala silang basehan na suhol nga ito.
Aniya pa, sana ay nagkusa ang reporter na i-check muna sa DZXL kung nagpa-commercial nga ang Nabcor o hindi o kinuha man lamang ang panig ni Tulfo at hindi pinalabas kaagad na suhol ang naturang tseke.