MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong homicide sa Department of Justice (DOJ) ang walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng insidente ng pamamaril sa mga mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel na ikinasawi ng isa sa mga ito.
Sa 79-pahinang reÂsolusyon na aprubado ni Prosecutor General Claro Arellano, pinakakasuhan na sina Commanding Officer Arnold Enriquez dela Cruz, Seaman First Class Ebrando Quiapo Aguila, Mhelvin Aguilar Bendo II, Andy Gibb Ronario Golfo, Henry Baco Solomon, Sunny Galang Masangcag; Seaman Second Class Nicky Renold Aurelio at Petty Officer 2 RiÂchard Fernandez Corpuz.
Sinampahan din ng kasong obstruction of justice sina dela Cruz at Bendo sa umano’y pekeng report na isinumite ng mga ito.
Mayo 9, 2013 nang mabaril ng mga miyembro ng Coast Guard ang ilang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel na ikinasawi ni Hung Shih-cheng.
Tumaas ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan bunsod ng pamamaril dahilan para magpatupad ang Taipei ng ilang sanction gaya ng ban sa mga manggagawang Pilipino.