MANILA, Philippines - Hinikayat ni Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe si Justice Secretary Leila de Lima na pag-aralang mabuti kung dapat pa bang tanggapin si dating TRC Director-General Dennis Cunanan bilang testigo sa kaso ng pork barrel scam.
Pinayuhan din ni Batocabe si de Lima na timbanging mabuti kung kukunin pang state witness ang on leave na si Cunanan matapos pagdudahan ang kredibilidad nito nang panindigan na wala siyang naging pakinabang sa pork barrel scam taliwas sa naging pahayag ng whistleblower na si Benhur Luy.
Naniniwala si Batocabe na isang abogado na wala namang mabigat na maitutulong ang testimonya ni Cunanan sa ikatitibay ng kaso laban sa mga sangkot sa pork scam dahil wala itong nasabi na kasing bigat ng ibang testigo sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Nangangamba rin ang kongresista na makasira pa sa lakas ng kaso si Cunanan dahil sa pagmamalinis nito.
Una ng sinabi ni Luy na siya ang naghanda ng P960,000 para kay Cunanan na inilagay niya sa isang paper bag at bagama’t hindi niya ito personal na iniabot kay Cunanan ay nakita niyang bitbit nito ang paper bag.
Pinayuhan din ni Batocabe ang DOJ na maghinay-hinay sa katatanggap ng mga saksi sa pork scam dahil maaaring mapainan pa ito ng mga panggulo sa kaso.