MANILA, Philippines - Dapat ng mamili si Janet Lim-Napoles kung sasagutin nito ang P150,000 na ginagastos sa kanya ng gobyerno buwan-buwan o ililipat siya sa ordinaryong kulungan.
Ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, sa halip na bigyan ng special treatment si Napoles, dapat pilitin na ito ng gobyerno na mamili lalo pa’t hindi naman ito nagpapahayag ng kahandaan na magsasalita ng tungkol sa kanyang nalalaman sa P10 bilyong pork barrel fund scam.
Sinabi ni Santiago na walang katanggap-tanggap na dahilan para gastusan ng gobyerno ang pananatili ni Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna kung saan umaabot sa P150,000 isang buwan ang gastos ng gobyerno kumpara sa P1,612 budget sa isang ordinaryong preso.
“If Napoles as a person in interest refuses to cooperate by providing information, which she apparently possesses about the scam, there is no acceptable reason why government should single her out for a special treatment among more than 70,000 detention prisoners in the country,†ani Santiago.
Ipinunto pa ni Santiago na ang ibinibigay na pabor kay Napoles ay maliwanag na paglabag sa Equal Protection Clause.
Sa isang taon aabot sa P1.8 milyon ang gagastusin ng gobyerno kay Napoles na sobrang malaki sa P20,000 budget ng pamahalaan sa isang ordinaryong bilanggo.
Ikinumpara pa ni Santiago sa isang “rockstar status†ang pagtrato ng pamahalaan kay Napoles.
Dahil sa kabiguan aniyang makipagtulungan ni Napoles lalo na ng humarap ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, wala ng dahilan para manatili ito sa tinutuluyang bahay sa loob ng Fort Sto. Domingo.
“Since Napoles refused to cooperate, it appears that there is no substantial reason for the government to pay so much money just for one individual, when it does not provide the same services for all other prisoners facing criminal charges and denied the right to bail,†sabi ni Santiago.
Makakatipid aniya ang gobyerno ng pondo kung papayagan ang mga bilanggo na sila ang magbayad ng kanilang gastos habang nakakulong.
Ayon pa kay Santiago, may “residual power†si Pangulong Aquino sa ilalim ng Administrative Code kung saan maari nitong papiliin ang isang bilanggo na manatili sa isang ordinaryong bilangguan o sa isang “enhanced facility†basta siya ang magbabayad ng kanyang gastos.
Sa Amerika aniya, may tinatawag na “pay-for-stay†program na maari ring ipatupad dito sa Pilipinas kung gugustuhin.