Pinoy nag-amok sa US, 3 patay!

MANILA, Philippines - Isang 33-anyos na Pinoy ang inaresto ma­tapos na umano’y mag-amok at walang habas na mamaril na ikinasawi ng tatlo katao at lubhang ikinasugat ng isa pa sa isang night club sa Ohio, USA noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang Pinoy na nahaharap sa kasong three counts of murder na si Igmidio Mista, ng Fremont, Ohio na nakakulong ngayon sa Sandusky County Jail.

Sa report, bago ang pamamaril ni Mista ay nilapitan niya ang isang babaeng kustomer at sinampal ng walang dahilan habang nasa loob ng Last Call bar na matatagpuan sa Block 500 ng West State Street sa Fremont  noong Linggo ng madaling-araw (Linggo ng gabi sa Pilipinas). Nagbunsod umano ito ng pagtatalo dahilan ng kanyang pagwawala hanggang sa bumunot ng baril at pinagbabaril ang makitang mga tao sa loob ng nasabing night club.

Tatlo katao sa bar ang nasawi sa pamamaril ni Mista habang isa ang inulat na nasa kritikal na kondisyon.

Matapos ang insi­dente, naaresto ng Ohio Police si Mista sa kanyang tirahan sa Fremont nitong Lunes ng gabi (oras sa Manila).

Sa hiwalay na ulat, nakilala ang mga nasawing sina Elmore Jose Andy Chavez, 26, isang off-duty police officer ng Elmore; Ramiro Sanchez, 28, bartender ng club at Daniel Ramirez, 25, customer at pawang taga-Ohio. Nasa kritikal umanong kondisyon ang pang-apat na nabaril na si Ramiro Arreola, 25, na ginagamot sa Toledo hospital.

Nakikipag-ugnayan na ang Ohio Police sa Konsulado ng Pilipinas kaugnay sa kaso ng nasabing Pinoy at upang mabatid ang kanyang residency status. Siya ay nakatakdang humarap sa preliminary hearing sa Marso 20 dahil sa kanyang patung-patong na kaso.

Show comments