MANILA, Philippines - Dapat na pasiglahin ang marketing strategy at promotion sa Puerto Princesa Underground River na tanyag sa pagkakahirang bilang isa sa New Seven Wonders of the World upang iangat mula sa bumagsak na paglago ng turismo nitong taong 2013.
Ayon kay Region 4 Tourism Director Rebecca Labit, mahigit 20 porsyento na paglago mula 2010 hanggang 2012, nakalulungkot na 5 hanggang 7 porsyento lang ang paglago ng turismo sa Puerto Princesa sa taong 2013. Noon umanong 2011, natamo ng lungsod ang 23.36 percent tourism growth, 2012 ay tumaas pa iyon sa 27 percent.
Target umano nila na magtuluy-tuloy ang mahigit 20 percent na tourism growth para maabot ang 1.2 million na tourist arrival sa taong 2015, pero nasorpresa sila sa malaking antas ng pagbaba ng tourism growth.
Posible umanong dahil sa pagkukulang sa promosyon o marketing ng lugar na itinuturing pa naman bilang pangunahing tourist destination sa bansa.
Puna ni Labit, kapansin-pansin na naging kampante o bahagyang nagpahinga ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa pag-promote ng lugar na dapat ay hindi umano napapabayaan para patuloy na tangkilikin ng mga turista ang lungsod.
Dahil dito, iminungkahi ni Labit na dapat ay patuloy na mapaghusay ang marketing ng lungsod, patuloy na tutukan ang product development, pag-aalok ng mga bagong aktibidad o pakulo para sa mga turista at magpatupad ng mga patakaran ng titiyak ng magandang serbisyo ng mga establisimyento para sa mga turista.
Kailangan umano na maibalik ang dating sigla ng turismo sa Puerto Princesa nang sa gayon ay hindi naman masayang ang pandaigdigang pagkilala na naabot ng underground river.