MANILA, Philippines - Marami pa rin sa kapulisan ang takot na magladlad ng kanilang tunay na ‘identity’ o pagkatao lalo na ang mga bading at tomboy dahil ayaw nilang maging tampulan ng mga panlalait o diskriminasyon.
Inamin ni Supt. Lucio Rosaros, acting chief Directorial Staff ng PNP Chaplain Service, na hindi maitatago at kapansin-pansin na may mga opisyal at tauhan ng PNP na miyembro ng 3rd sex ang dumaranas ng ‘identity crisis ‘.
Ayon kay Rosaros, naturingan mang mga pulis ay marami ang natatakot na magladlad ng kanilang kuwestiyonableng kasarian dahil kumpara sa ibang bansa ay mas marami sa mga Pinoy ang hindi tanggap ang 3rd sex lalo na kung magmumula sa PNP at maging sa iba pang law enforcement agency.
Aminado naman ang paring pulis na si Rosaros na walang masama kung bading at tomboy ang ilan sa mga parak. Iginiit nito na papasok lamang ang problema kapag gumawa ng immoral o makakasama sa pagkatao lalo na sa imahe ng PNP ang mga 3rd sex nilang kasamahan.
Binigyang diin ng paring pulis na hindi kabawasan sa pagkatao ng isang alagad ng batas kung aamin siya sa kanyang seksuwalidad dahil ang mahalaga aniya’y maalagaan nito ang kanyang dignidad hindi lang sa kanyang personalidad kundi maging sa kanyang propesyon.
Sa kabila nito, hindi naman nila maaring pilitin na lumantad ang naturang mga pulis pero bukas ang kanilang tanggapan anumang oras sa mga bading at tomboy na mangungumpisal.