MANILA, Philippines - Pwede nang magkaroon ng sariling selyo ang bawat Pinoy kung saan nakaimprenta ang kanilang larawan, matapos ilunsad ng Phlpost nitong Pebrero 24 ang â€Personalized stampsâ€, ang pinakabagong teknolohiya sa stamps at kauna-unahan sa bansa.
Ang personalized stamps ay kilala rin bilang se-tenants, o dalawang magkaibang larawan, hugis o anyo na pinaghiwalay ng mga maliliit na pilas ngunit pinagsama upang makabuo ng iisang selyo.
Sa nasabing stamp, kasama ng sariling litrato ang napiling tanyag na pasyalan sa Pilipinas gaya ng Boracay, Chocolate Hills sa Bohol, Baguio City at Underground River sa Palawan.
Ang selyong ito ay inimprenta gamit ang security paper at pwede ring gamitin sa pagpapadala ng liham.
Ayon kay PhlPost Marketing Director Eric Tagle, kanila itong inilunsad upang maibalik ang interes sa pangongolekta ng selyo at pagsusulat ng liham sa pamamagitang ng post office.
Plano ng PhlPost na maglagay ng Photo Booth sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang mga paliparan upang magkaroon ng interes sa naturang selyo ang mga dumarating na turista sa bansa, gayundin sa mga piling lugar na paboritong pook bakasyunan sa bansa. Nais ding ialok ng PhlPost ang Personalized stamps sa mga kumpanya na nagnanais na maging kakaiba at gawing espesyal ang kanilang corporate give-aways o regalo sa kanilang mga pagtitipon at okasyon.