PNP makakatipid ng malaki ‘pag inilipat ng kulungan si Napoles

MANILA, Philippines - Malaki ang matitipid ng Philippine National Police (PNP) kung pagbibigyan ng korte ang lumalakas na panawagan ng publiko na ilipat na lamang sa ordinaryong kulungan si pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles.

Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng PNP Public Information Office, si Napoles na ikinokonsiderang high risk at high profile detainee ay maaring ikulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame at maging sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City bukod pa sa Makati City Jail.

“It’s more economical as well as more efficient,” pahayag ni Sindac.

Gayunman, ipauubaya na ng PNP kay Judge Elmo Alameda ng Makati City Regional Trial Court Branch 150 ang desisyon kung saan maaring ilipat ng kulungan si Napoles.

Sakaling mapagpas­yahan ng korte na ilipat si Napoles sa Bicutan Jail sa Camp Bagong Diwa sa National Capital Region Police Office ay makakatipid ng malaki ang gobyerno dahil ma­lapit ito sa Makati RTC kung saan nakasampa ang kaniyang kaso.

Nabatid na sa pagbibiyahe pa lamang kay Napoles mula sa detention nito sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna patungo sa PNP General Hospital noong Miyerkules kung saan ito nagpa-checkup ay gumasta na ang pamahalaan ng P120,000 bukod pa sa P3,000 medical expenses.

Una nang inamin ng PNP na gumagasta sila ng P150,000 kada buwan sa kustodya ni Napoles kabilang na ang pagkain, elektrisidad at pagbibiyahe dito sa tuwing may paglilitis ng kaso nito.

 

Show comments