Pinoy fishermen binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard

MANILA, Philippines - Binomba ng ‘water cannon’ ng Chinese Coast Guard  ang mga mangingisdang Pinoy na namalakaya sa Scarborough Shoal, may 124 nawtikal na milya  ang layo sa Masinloc, Zambales.

Ito ang kinumpirma kahapon ni AFP Chief of Staff General Emmanuel Bautista kung saan ang insidente ay nangyari noong Enero 27 base sa patuloy na monitoring sa pinagtatalunang teritoryo pero ngayon lamang naisapubliko.

Nilinaw naman ni Bautista na hindi nais ng pamahalaan ang giyera at hangga’t maari ay dapat maresolba sa mapayapang paraan ang sigalot.

Sinabi ni Bautista na intensiyon lamang ng mga dayuhan na paalisin ang mga Pinoy sa Scarborough Shoal na bukod sa Spratly Islands sa Palawan ay kabilang rin sa kanilang inaangking mga isla na higit namang malapit sa bansa.

Ayon kay Bautista, hindi naman malinaw kung ano ang mga sumunod na pangyayari at hindi rin matiyak kung may nasaktan sa insidente.

Nabatid pa sa Chief of Staff na nananatiling armado ang puwersa ng China sa inaangkin ng mga itong teritoryo.

Nananatiling mahigpit na monitoring ng security forces sa mga teritoryo ng Pilipinas laban sa mga bansang kaagaw nito kabilang na ang pinakamapangahas na China.

 

Show comments