Hindi nakadalo sa Senate hearing David Tan, nagkasakit daw!

Si Judilyne Lim bago patawan ng contempt ng Sena- do kahapon dahil sa kanyang pagsisinungaling kaugnay ng imbestigasyon sa rice smuggling. (Manny Marcelo)

MANILA, Philippines - Hindi nakasipot sa ikalimang pagdinig kahapon ng Senate Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Senator Cynthia Villar tungkol sa rice smuggling si Davidson Bangayan alyas ‘David Tan’.

Ayon kay Atty. Benito Salazar, legal counsel ni Bangayan, na-confine umano ang kanyang kli­yente sa Laoag General Hospital.

Sinabi ni Salazar, may binuhat na mabigat na bagay si Bangayan na nasundan ng backpains kaya nahirapan sa pag­lalakad.

Nag-presinta ng medical certificate ang kampo ni Bangayan sa komite para suportahan ang kanilang pahayag.

Magugunita na pinatawan ng contempt ng Senado si Bangayan noong nakaraang pagdinig dahil sa pagsisinungaling, na humantong sa paghahain ng kasong perjury sa DOJ laban sa itinuturing na ‘King’ ng rice smuggling sa bansa.

Samantala,  isa pang rice trader ang pinatawan kahapon ng contempt ng Senate Committee on Agri­culture dahil sa kabiguang makipag-cooperate sa pagdinig ng Senado sa rice smuggling.          

Pinatawan ng contempt si Judilyne Lim ng DGL Commodities Inc. matapos mabisto ang kanyang pagsisinungaling.

Inihayag naman ni Atty. Steve Mendoza, abogado nina David at Lim na tila-hindi na ‘in-aid-of-legislation’ ang ginagawang imbestigasyon ng Senado dahil may pre-judgement na umano sila sa kanyang mga kliyente. Aniya ‘in aid of witch-hunting’  ang ginawa para makakuha ng dagdag na ebidensiya ang DOJ laban sa mga pinaghihinalaang smuggler.

“The hearings as “like a plane that does not want to land” as the hearings were already being conducted since the 15th congress. They already know the modus operandi as adequately discussed and detailed in the last congress, how come they are still at it?” tanong ni Atty. Mendoza.

Iginiit ng abogado na inosente ang kanyang mga kliyente sa akusasyon laban sa kanila.

 

Show comments