Roxas kay Revilla: Magpakatotoo ka

MANILA, Philippines - “Hindi ito sine, magpakatotoo ka!”

Ito ang naging hamon kahapon ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng nakatakdang paglutang ng panibagong testigo sa kontrobersiyal na multi-bilyong pork barrel scam.

“Naaawa ako kay Senator Revilla na dati kong kasamahan sa Senado. Kung anu-ano na lang ang sinasabi para mapagtakpan ang katotohanan,” patutsada ni Roxas.

Ayon kay Roxas, dapat magpakatoo si Revilla at tigilan na ang pag-iimbento ng kung anu-anong script, dahil tanging problema niya ay si Benhur Luy at iba pang whistleblowers at mga COA documents na nagsasabing paulit-ulit niyang ibinibigay sa mga pekeng NGOs ni Napoles ang kanyang pondo sa Senado.

“Hindi ito sine. Totoong buhay ito na ang bawat gawain ay may kaukulang pananagutan,” sabi ng kalihim patungkol sa senador.

Giit ng kalihim, kung may lalabas pa anyang mga bagong testigo na magdidiin sa kanya sa nasabing kaso ay hindi na nila ito kasalanan at mas mabuting sagutin na lamang niya ang akusasyon at ipaliwanag ang mga opisyal na dokumentong nag-uugnay sa kanya sa Napoles scam.

Show comments