MANILA, Philippines - Binatikos ng isang grupo ng mga human rights lawyers ang pagtatalaga ni Pangulong Aquino sa isang dating opisyal ng pulisya sa Human Rights Victims Claims Board (HRVCB).
Ayon sa National Union of People's Lawyers (NUPL), ang pagtatalaga kay dating Chief Superintendent Lina Sarmiento sa HRVCB ay isang pangungutya at malaking kalokohan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi ni Atty. Edre Olalia, lider ng NUPL, bukod sa pagiging dating pulis ay walang malalim na kaalaman si Sarmiento sa mga ginawang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng martial law.
"Does she have a clear and adequate understanding and commitment to human rights protection, promotion and advocacy?" ani Olalia.
Duda rin si Olalia sa motibo ni Pangulong Aquino sa pagtatalaga bilang pinuno ng claims board.
Aniya, si Sarmiento ay dating miyembro ng isang institusyon na kilala sa pagkakaroon ng mahabang panahong masamang rekord ng paglabag sa karapatang pantao.