MANILA, Philippines - Hanggang 60 kilometer per hour lamang ang speed limit na pinapayagan ng Land Transportation Office (LTO) sa mga nagmamaneho ng motorsiklo alinsunod sa LTO regulation 136.
Ayon kay Engr. Joel Donato, hepe ng North Motor Vehicle Inspection Service ng LTO, ang mga motorsiklo o small bike kung tawagin na may 80 hanggang 150 cc o kilala sa tawag na single motorbike ang pinapayagan ng batas na hanggang 60 kilometer per hour lamang ang pinaka mabilis na takbo at ang mga lalampas dito ay maaaring hulihin sa overspeeding na may P1,200 multa at drivers seminar sa LTO.
Ang mga big bike naman na may 40 cc pataas ay maaaring tumakbo ng mula 80 hanggang 100 kilometer per hour.
Sinabi ni Donato na dapat ding sundin ng mga motorcycle owners na dumaan lamang sa itinalagang motorcycle lane para makaiwas sa disgrasya sa lansangan. Ang matinding pagpapatupad ng speed limit sa mga motorcycles ay makakaiwas sa aksidente sa lansangan at paggamit ng riding-in-tandem ng motorsiklo na sobrang bilis magpatakbo oras na gumawa ng krimen.
Ang motorcycles ang pinakamaraming rehistro ngayong taon at siya ring number 1 sa mga sasakyan na nasasangkot sa aksidente sa bansa.