Nalalaman sa ‘pork’ scam kinumpirma Tuason humarap sa Ombudsman

MANILA, Philippines - Humarap kahapon ang dating aide ni Sen. Jinggoy Estrada na si Ruby Tuason sa tanggapan ng Ombudsman para sa isang clarificatory hearing hinggil sa pagkumpirma nito sa kanyang nalalaman sa pork barrel fund scam. 

Idinetalye ni Tuason sa dalawang panel ng field investigators ng Ombudsman ang laman ng kanyang sinumpaang-salaysay na isinumite noong Pebrero 7 sa naturang ahensiya kaugnay ng pork scam.

Inamin ni Tuason sa salaysay na siya ang tumatanggap ng pera mula kay Janet Lim-Napoles para ibigay kina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.

Umaabot anya sa 40 porsyento ang napupunta kina Estrada at Enrile sa bawat negosyong papasukin ni Napoles gamit ang kanilang pork barrel fund.

Ang anumang resulta ng clarificatory hearing ang magiging basehan ng Ombudsman kung maaa­ring maging state witness si Tuason.

Binigyang diin naman ng kampo ni Tuason na anuman ang kalabasan ng clarificatory hearing ay kakaharapin ng una para malinis ang pangalan nito sa kinasasangkutang kaso.

Show comments