PNP gumagastos ng P5K kada araw kay Napoles

Janet Lim-Napoles

MANILA, Philippines – Gumagastos ang gobyerno ng P150,000 kada buwan para sa pagkakakulong ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, ayon sa mga pulis.

Sinabi ng Philippine National Police ngayong Martes na P5,000 kada araw ang nakalaang pondo para sa pagkakulong ng itinuturong nasa likod ng bilyung-bilyong pork barel scam.

Kasalukuyang nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna si Napoles para sa kasong serious illegal detention na inihain ni whistleblower Benhur Luy.

"(The PNP is spending) P150,000 every month in guarding Napoles. (Inclusive of) collateral expenses -- utilities, operational expenses," wika ni Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac, PNP-Public Information Office head.

" [The funds are spent  for] maintenance and operating expenses, utilities, food of the security and food for Napoles...," paliwanag ni Sindac na aniya’y dagdag gastos para sa kanila.

Inilipat ng kulungan si Napoles mula sa Makati City Jail dahil sa paniniwalang hawak niya ang mga impormasyon kung sinong mambabatas ang mga sangkot din sa pang-aabuso sa Priority Development Assistance Fund.

Ngunit noong humarap si Napoles sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay wala itong isinawalat at sinagot.

Ilang mambabatas na rin ang nagpanukalang ilipat na sa normal na kulungan si Napoles.

Show comments