MANILA, Philippines - Inihahanda na ng Commission on Human Rights ang kaso laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte kasunod nang pagbabanta ng alkalde sa mga rice smugglers.
Sinabi ni CHR Commissioner Etta Rosales ngayong Huwebes na susulatan nila ang Department of Interior Local and Government, Senado at Office of the Ombudsman.
"Pinari-research ko lang 'yong Legal Investigation Office ng CHR para gumawa sila ng maayos na analysis and on the basis of this analysis, I will write my letter to the DILG, to the Senate," wika ni Rosales sa isang panayam sa radyo.
"Then kung makikita na namin 'yung enough evidence, then we will write a letter to the Ombudsman," dagdag niya.
Nag-ugat ang lahat sa pagbabantang papatayin ni Duterte kung sino man ang mahuhuling rice smuggler sa kanyang nasasakupan.
Naniniwala si Rosales na mali ang pamamaraan ni Duterte.
"Ang kanilang solusyon sa problema you take the law in your own hands tapos binabalewala mo 'yung due process," banggit ni Rosales.
"Nagse-send siya ng signal, inuudyok niya 'yung government employees lalo 'yung nasa ilalim ng kanyang jurisdiction... law enforcers... na pwede palang gawin ito."
Nauna nang sinabi ni Duterte na wala siyang nilalabag na batas sa pagbabanta laban sa mga kriminal.
Aniya handa siyang makulong matulungan lamang ang mga naluluging magsasaka dahil sa rice smuggling.