Walang nasirang gamit sa condo ni Deniece - NBI

MANILA, Philippines - Walang nasirang gamit sa loob ng condo ni  Deniece Cornejo.

Ito ang binigyang-diin ng National Bureau of Investigation (NBI) kasabay ng kanilang ginawang pagpasok kahapon sa unit nito sa Forbeswood Heights sa Taguig City kung saan sinasabing nangyari ang pambubugbog kay Vhong Navarro noong Enero 22.

Matatandaang sinabi ni Cedric Lee na kaibigan ni Cornejo na maraming gamit ang  nasira ni Navarro kaya’t hinihingan nila ito ng P200,000 hanggang sa umabot sa P1 milyon.

Pero ayon kay Atty. Rommel Ramirez ng NBI, wala umanong nabawas o nasirang gamit mula sa loob ng unit na inuupahan ni Cornejo.

Base na rin ito sa inspeksiyon at larawang kuha ng NBI kasama ang unit owner na si Mrs. Soledad Ramos na nagparenta naman sa isang Malaysian na kinilalang si Mr. Greg Binunus. 

“Ang nakita namin ay maayos naman. Wala naman kaming nakitang pupuwede naming masabing sira. ‘Yung nadatnan namin is maayos ‘yung kalagayan ng furniture at equipment at saka electronics,” ayon sa NBI agent.

Sa kabila pa rin ito ng inihayag ni Lee na humingi ng P1 million sa aktor bilang bayad sa mga nasira kagamitan at appliances ng kaniyang kaibigan na si Cornejo.

Show comments