MANILA, Philippines - Nais ni Pangulong Aquino na pagtuunan ng pansin ang kahandaan ng bansa para mabawasan ang epekto ng anumang kalamidad.
Ito’y matapos pulungin ng Pangulo ang kanyang buong Gabinete hinggil sa disaster preparedness.
Pinag-usapan sa Cabinet meeting ang update ng rehabilitation sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Inatasan din ni PNoy ang gabinete na magsumite ng disaster preparedness at risk reduction roadmap para na rin sa nalalapit na panahon ng tag-ulan sa bansa.
Ang Cabinet task group ay binubuo ng mga kalihim ng Department of National Defense, Department of the Interior and Local Government, Department of Science and Technology, Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, National Climate Change Commission at Department of Trade and Industry.
Nakasentro ang pagpaplano sa mga lugar na palagiang dumaranas ng malawakang pagbaha kabilang dito ang National Capital Region at kung paano makababangon sa pinsalang matatamo.
Iniharap na rin sa pulong ni DOST Sec. Mario Montejo at Project NOAH executive director Mahar Lagmay ang resulta ng ginawang pag-aaral sa storm surges, pagbaha at landslides mula sa 50 taong karanasan ng bansa rito.
Ang storm surge ang sinasabing naging sanhi ng malawakang pinsala sa buhay at ari-arian sa rehiyon ng Visayas dahil sa paghagupit ng bagyong Yolanda.