MANILA, Philippines - Inutos na kahapon ni PNP Chief Director General Alan Purisima ang pagsasagawa ng imbentaryo o random check sa lahat ng mga selda sa iba’t ibang units ng pulisya sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief P/Chief Supt. Reuben Theodore Sindac ang direktiba ay kasunod ng pagkakabuking sa kontrobersyal na ‘wheel of torture†ng mga pulis na nasangkot sa brutal na pag-torture ng mga preso sa Laguna.
Una nang sinibak sa puwesto ang 10 miyembro ng Provincial Intelligence Branch (PIB) personnel ng Laguna Police matapos na ireklamo ng pag-torture sa mga detainees na itinali sa umiikot na roleta na kahalintulad ng ginagamit sa peryahan at iba pa. Ang insidente ay nadiskubre nito lang Enero bagaman nag-umpisa pa ito noong Disyembre 2013.
Ayon kay Sindac, sa pamamagitan ng pag-iinspeksyon sa mga selda ay malalaman kung may ibang pulis na gumagawa ng pag-torture upang paaminin sa mga kasalanan ang mga nasasakoteng suspek sa kanilang hurisdiksyon.