MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Pangulong Aquino na hindi niya masesertipikahang urgent ang anti-political dynasty bill na inihain ng kanyang kapartidong si Caloocan City Rep. Edgar Erice sa Kamara.
Sabi ng Pangulo, nais pa rin niyang makita at mabasa ang nasabing panukala upang malaman kung ‘doable’ ba ito.
Lumiham si Rep. Erice kay PNoy kung saan ay hinihiling nitong sertipikahan nitong urgent ang anti-political dynasty bill.
Wika ni PNoy, mas gusto niyang iprayoridad ang pagpopondo para sa nakabiting benepisyo ng mga sundalo at pulis.
Aminado si Erice na kahit nasa plenaryo na ang version ng Kamara ng anti-political dynasty bill ay matatagalan pa ito bago maipasa.
Subalit kailangan anya rito ng sakripisyo nilang mga pulitiko para isuko ang interes at kapangyarihan dahil mahalaga ang Anti-Political Dynasty Bill para sa reform agenda ng gobyerno.