Globe Telecom mas pinaigting ang proteksiyon sa load credits

MANILA, Philippines - Bilang tagapagtaguyod ng ‘superior customer experience’, lalo pang pinalakas ng Globe Telecom ang kampanya nito laban sa tinatawag na ‘nakaw’ load sa pamamagitan ng iba’t ibang prepaid load notification services na naglalayong ialerto ang mga subscriber.

Nanguna ang Globe Prepaid sa paglulunsad ng kauna-unahang libre at automatic load notification service sa bansa, ang Globe Prepaid Load Watch na nagbibigay sa mga subscriber ng real-time updates sa load usage at balance. Sa pamamagitan ng Globe Prepaid Load Watch, makatatanggap ang mga subscriber ng mga alert sa kanilang mobile phones sakaling umabot sa P5 o mas mababa pa ang kanilang load. Maaari rin nilang malaman ang kanilang nalalabing halaga ng load, expiry date at maging ang reloading time.

“Naiintindihan namin na isa sa mga major concerns ng mga prepaid subscriber ang biglaang pagbabawas sa kanilang prepaid load o ang tinatawag na ‘nakaw’ load, kaya naman nagkaroon kami ng iba’t ibang load notification services upang matulungan silang maging updated sa kani-kanilang load balance at usage. Sa pamamagitan ng ganitong services, mas magiging aware ang aming customers tungkol sa kanilang load status at magkakaroon sila ng mas maraming oras na i-enjoy at i-explore ang wonderful world ng Globe Prepaid,” pahayag ni Issa Cabreira, vice pres. for Globe Prepaid Business.

Maaari ring gamitin ng mga Globe prepaid subscriber ang pinaka-innovative self-service menu na *143# upang i-access ang kanilang load balance, i-check ang status ng kanilang promo registration, maging ang pag-avail ng downloads, promos at iba pang services ng Globe nang libre na hindi na kinakailangan pa ng keywords o access codes. Sa pamamagitan ng pag-dial sa *143# at pagpili mula sa menu ng balance inquiry, malalaman ng mga subscriber ang kanilang remaining load balance.

Nanguna rin ang nasabing telecom company laban sa mga push message na kadalasang bumabawas sa prepaid load sa pamamagitan ng pagbibigay ng opt-out option sa mga subscriber kung saan maaari nilang hindi ipagpatuloy ang pagtanggap sa value-added services (VAS) ng Globe tulad ng games, ringtones, wallpapers, apps at ilan pang multimedia content. Maaaring mag-opt out ang mga subscriber sa nasabing services sa pamamagitan ng paglilista ng mga natanggap na access codes, pag-text ng CHECK sa access codes upang malaman kung ang subscriber ay naka-register sa kahit na anong promo, at i-text ang STOP sa access code upang mag-opt out at hindi na makatanggap ng anumang text. Bisitahin ang www.globe.com.ph/prepaid.

 

Show comments