Davidson Bangayan idiniing si David Tan

MANILA, Philippines - Sa kabila nang pagtanggi ni Davidson Bangayan na siya si David Tan na sinasa-bing sangkot sa smuggling ng bigas sa bansa, nanindigan si Justice Sec. Leila de Lima na may mga ebidensiyang hawak ang National Bureau of Investigation na si Bangayan at Tan ay iisang tao.

Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Senator Cynthia Villar na nag-iimbestiga sa talamak na rice smuggling sa bansa si Bangayan kung saan pinanindigan niyang hindi siya si Tan.

Pero ipinakita ni de Lima ang mga dokumentong ibinigay sa kanya ni Federation of the Philippine Industry (FPI) president Jesus Arranza kaugnay sa kasong libel na isinampa sa Calamba Regional Trial Court.

Nakapaloob sa affidavit mismo ni Bangayan noong Abril 2005 sa kasong libel na inihain niya laban ay Arranza na siya ang tinutukoy ni Arranza sa isang lathalain na sangkot sa swindling at contraband shipment dahil wala namang ibang tao na may pangalang Davidson Bangayan a.k.a. David Tan.

Ipinakita rin ni de Lima ang isa pang dokumento na ipinalabas ng Taylor Overseas Marketing Limited na nagsasabing ang Advanced Scraps Specialist Corp. na pag-aari ni Davidson Bangayan a.k.a. David Tan ang supplier ng kanilang kompanya.

May nakuha na rin umanong sinumpaang salaysay ang NBI mula sa dalawang testigo na nagpapatunay na si Bangayan ay si “D.T” o David Tan.

Samantala, maging si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ay nagpahayag ng pagka-irita kay Bangayan dahil sa hindi nito pag-amin na siya si Tan.

Ayon kay Enrile, mayroon rin siyang court documents kaugnay sa isang kaso sa Singapore na nagsasa-bing inamin ni Bangayan na ginagamit niya ang alias na David Tan.

Inihayag naman ni de Lima na gumagamit ng iba’t ibang modus ope-randi ang mga smugglers ng bigas sa bansa.

Kabilang dito ang hindi tamang pagdedeklara ng shipment kung saan ang mga parating na bigas ay idedeklara umanong hardware, construction materials, cements at plywood.

Ayon pa kay de Lima, may mga pagkakataon na sobra ang shipments ng bigas kung saan dina-divert ang deliveries sa ibang warehouses na hindi kontrolado ng gob-yerno.

Ayon naman kay Villar, ginagamit rin ng mga smugglers ang mga lehitimong cooperatives na napapagbintangang smugglers.

 

 

Show comments