MANILA, Philippines – Mali ang pakikipagpulong ni Senador Bong Revilla Jr. kay Pangulong Benigno Aquino III habang gumugulong ang impeachment trial sa noo’y Chief Justice Renato Corona, ayon sa isang dalubhasa sa batas.
Sinabi ng abogadong si Ma. Soledad Mawis, Dekano ng Lyceum University of the Philippines College of Law, ngayong Martes na mali ang pakikipagpulong ni Revilla kay Aquino dahil isa siyang hukom sa paglilitis kay Corona.
"'Yun nga lang pong kumatok kayo doon sa kuwarto ng hukom nang wala yung kasama ninyo na kalaban na abogado, parang sense of impropriety sa harap ng ibang tao," paliwanag ni Mawis sa isang panayam sa telebisyon.
Kaugnay na balita: ‘Huwag n'yo sana akong husgahan’ – Sen. Bong Revilla
Dagdag ng dekano na hindi dapat ito nangyari lalo’t isang Chief Justice ang nililitis.
"Kung kami pong mga ordinaryong tao o abogado eh malaking kabawalan po sa amin iyan, paano pa kaya po 'yung mga nasa matataas na tungkulin?" ani Mawis.
"Kung si Chief Justice kaya ho ang nag-imbeta sa mga tao pong ito, hindi po ba pangit tignan?" banggit pa niya.
Sinabi ni Mawis na nakasaad sa batas na (Article 243 ng Revised Penal Code) maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan at mag multa ng hindi lalampas sa P500 ang sinumang mapatutunayang opisyal na gobyerno na mag-uutos sa isang hukom sa labas ng mga korte.
Kaugnay na balita: Bong kay Noy: 'Ito ba ang daang matuwid?'
Samantala, dumepensa si Presidential Communications Operations Office Sec. Sonny Coloma at sinabing walang mali sa pakikipagpulong ni Revilla kay Aquino.
"Kung tutuusin natin, political process po 'yung impeachment trial. Hindi naman po ito mahihintulad sa isang purely judicial procedure," paliwanag ni Coloma.
"Kaya nga po ang tawag sa kanila ay 'senator-judges.' Judges lang po sila for purposes of conducting that trial. Pero senador po sila na katulad ng Pangulo, ay mayroong direktong mandato sa ating mga kababayan," dagdag ng tagapagsalita.
Sinabi pa ni Coloma na hindi naman ipiantawag ni Aquino si Revilla.
Privilege speech
Sa privilege speech ni Revilla nitong Lunes ay sinabi niyang dinala siya ni Interior and Local Government Secretary kay Aquino upang makipagpulong.
Aniya, pinakiusapan siya ni Aquino na ibotong matanggal sa puwesto si Corona.
“Pare, parang awa mo na, ibalato mo na sa akin ito. Kailangan siya ma- impeach," sabi umano ni Aquino, ayon kay Revilla.
Kinumpirma naman ng Palasyo ang pakikipagpulong kay Revilla ngunit iginiit na ang senador mismo ang humiling na makipagpulong sa Pangulo upang pag-usapan ang ibang bagay kabilang ang pagiging lungsod ng Bacoor, Cavite at ang pamumuno sa Lakas party.