MANILA, Philippines - Kakalkalin na rin ng Kamara ang ulat na overpriced at substandard ang construction materials na ginagamit sa pagtatayo ng temporary shelters para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, aalamin muna nito ang katotohanan sa nasabing ulat.
Idinagdag pa ni Benitez, chairman ng House Committee on Housing and Urban Development, handa siyang magpatawag ng imbestigasyon tungkol dito kung mapapatunayang totoo ang mga naturang alegasyon.
Giit ng kongresista, hindi dapat balewalain ang nasabing mga imporsyona lalo pa’t nakasalalay ang kaligtasan ng mga residente sa Leyte.
Hindi naman umano biro ang pinagdaraanan ng mga biktima ng kalamidad kaya dapat naman hindi na pinagsasamantalahan ang kanilang sitwasyon.
Bukod dito nakakahiya din umano sa mga nagbigay ng donasyon lalo na sa international community kung malalaman nilang ganito ang nangyayari sa kanilang ibinigay na tulong.
Matatandaan na iniulat ng International Shelter Group na Camp Coordination and Camp Management, na non compliant na maraming kapalpakan at anomalya sa mga bunkhouses na itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.