PNoy walang balak bisitahin si GMA

MANILA, Philippines - Walang balak si Pangulong Aquino na bisitahin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nakapiit sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr., walang sama ng loob ang Pangulo kay Pampanga Rep. Arroyo subalit sa tingin ng Chief Executive ay hindi angkop ang pagdalaw dito habang may kinakaharap siyang kaso.

Hindi umano nagbabago ang paninindigan ni PNoy kahit may ilang mga kritiko ni Mrs. Arroyo ang dumalaw na dito kabilang si retired Bishop Oscar Cruz.

Nanawagan pa si Cruz sa korte na payagan na ang house arrest kay Mrs. Arroyo dahil hindi na naman ito makakatakas palabas ng bansa at hinaharap naman ang kanyang kaso.

Dumalaw na rin kay CGMA sina dating Vice-Pre­sident Noli de Castro, former Presidents Fidel Ramos at Erap Estrada gayundin ang evangelist leader na si Bro. Eddie Villanueva.

Sinabi pa ni Coloma, ginagalang ng Palasyo ang desisyon ng ilan na dumalaw kay Mrs. Arroyo dahil karapatan naman nila ito.

 

Show comments