Alyansang FVR, Erap, GMA suportado Ng religious leaders

MANILA, Philippines - Suportado umano ng mga religious leaders ang napapabalitang pag-aalyansa ng tatlong dating pangulo ng bansa laban sa administrasyong Aquino na unang napa­balita na “Triple X”.

Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, inamin ni Atty. Ferdinand Topacio, counsel ng pamil­ya ni da­ting Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang isinusulong na pagsasama-sama nina Mrs. Arroyo, dating Pa­ngulong Fidel Ramos at dating Pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada.

Gayunman, nilinaw nito na ito ay batay lamang sa pag-uusap ng kanyang mga common friend at common friend ng ‘Triple X’. Wala pa anyang katiyakan ang mga plano.

“Yung isa ay hindi politician kundi businessman, miyembro ng 50-man Constitutional Commission at bata pa, yung isa naman ay dating miyembro ng Gabinete at graduate ng Ateneo de Manila University,” sabi ni Topacio ng TopLaw.

Nabatid din kay Topacio na may mga religious leader gaya ng mga obispo ng Catholic Church at mga lider ng Iglesia ni Cristo na sumusuporta sa naturang plano.

Tumanggi naman si Topacio na tukuyin kung sinu-sino ang mga natu­rang maiimpluwensiyang personalidad na kapwa malalapit kina FVR, Estrada at Arroyo.

Nilinaw ni Topacio na nagkaroon ng common cause ang kampo ng tatlong dating pangulo dahil sa umano ay nauuyam na sa kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon na hindi na umano dapat na lumawig pa ang pamumuno sa bansa matapos ang 2016.

Kulang na kulang umano sa pagpupursige o pagiging decisive ng kasalukuyang gobyerno kumpara sa tatlong dating punong ehekutibo.

Binanggit ni Topacio na kung decisiveness ang pag-uusapan, naging matatag si FVR na ipagtanggol sa sunud-sunod na kudeta noon si dating Pangulong Cory Aquino, si Estrada naman aniya ay naging lantaran ang all-out war laban sa mga seccesionist sa Mindanao habang nailigtas naman ni Arroyo ang ekonomiya ng Pilipinas noong nasa kasagsagan ang econo­mic meltdown sa Amerika.

Matatandaang  kuma­lat ang isyu sa Triple X ma­tapos na bisitahin ni Estrada si Arroyo na nasa ilalim ng hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.

Una nang itinanggi ni Erap ang naturang political alliance.

 

Show comments