MANILA, Philippines - Simula ngayong Enero, maaari nang makapunta ang mga Pinoy sa Myanmar nang walang kaukulang visa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang mga Pinoy na may hawak na ordinaryong pasaporte ay maaari nang pumasok sa Myanmar nang walang hinihinging visa at maaaring manatili sa nasabing bansa ng hanggang 14 araw.
Sinabi ng DFA na sisimulan ang nasabing pagluluwag para sa mga Pinoy sa Enero 4 matapos ang paglalagda ng visa free agreement sa pagitan ng Pilipinas at pamahalaang Myanmar sa Malacañang.
Ang nasabing kasunduan na visa exemption para sa mga Pinoy ay nilagdaan nang bumisita sa bansa si Myanmar President U Thein Sein noong Disyembre 5.
Inaasahan naman ng magkabilang-panig na ang kasunduan ay ang magiging daan upang lumago ang turismo, kalakalan at pamumuhunan ng nasabing mga bansa.