MANILA, Philippines - Upang mabawasan ang pagdami pa ng mga biktima ng paputok, ipinag-utos kahapon ni PNP Chief Director General Alan Purisima na palakasin pa ang malawakang crackdown laban sa mga ipinagbabawal na paputok kaugnay ng pagsalubong sa taong 2014.
Kahapon ay personal na pinangunahan ni Purisima ang pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na paputok sa Bocaue, Bulacan, ang tinaguriang fireworks capital ng bansa.
Kabilang sa ipinagbabawal na paputok ang Goodbye Napoles, Super Yolanda, My Husband’s Lover, Super Lolo, Super Bawang, Judas Belt, Osama bin Laden, Goodbye Philippines at iba pa na higit sa 0.2 ang taglay na pulbura na lubhang delikadong gamitin.
Alinsunod sa Republic Act 7183 o ang batas laban sa mga ipinagbabawal na paputok, sinumang mahuling nagmamanupaktura o nagbebenta ng illegal na paputok ay mahaharap sa 6 taon na pagkabilanggo o higit pa at magmumulta rin ng P20,000 hanggang P30,000. Makakansela rin ang lisensya ng mga ito.