Para sa nasirang paaralan ng bagyong Yolanda P2-B donasyon ibibigay ng PAGCOR sa DEPED

MANILA, Philippines - Ibibigay ngayong Biyer­nes ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAG­ COR) Chairman Cristino Nag­uiat, Jr. ang P2 bilyong donasyon sa Department of Education (DepEd) para sa pagpapagawa ng mga nasi­rang paaralan sa pagragasa ng bagyong Yolanda sa Visayas.

Pangungunahan nina Naguiat, Education Secretary Armin Luistro at Presidential Assistant for Rehabilitation, Secretary Panfilo Lacson ang seremonya para sa “turn-over” ng P2 bilyong financial aid at pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA). 

Ayon kay Maricar Bautista, Assistant Vice President for Corporate Communications Department, isasagawa ito sa PAGCOR Hyatt Corporate Office­ sa Malate Maynila.

Base sa ulat ng DepEd, nasa 5,900 silid-aralan ang buong nasira ng bagyo at kaila­ngan nang mapalitan. Nasa 14,508 silid-aralan naman ang kailangang sumailalim sa “major repair” para magamit muli ng mga mag-aaral.

 

Show comments