Speed limiter sa PUVs ikakabit

MANILA, Philippines - Upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na lagyan ng gadgets o speed limiter ang lahat ng pampasaherong sasakyan sa buong bansa.

Ayon kay LTFRB chairman Winston Gines, ang naturang gadgets ay importanteng mailagay para na rin anya sa kaligtasan ng maraming mananakay ng mga pampasaherong sasakyan tulad ng bus at jeepney.

Sabi ni Gines, base sa public service law may kapangyarihan umano ang LTFRB na i-mandato ang mga private utility vehicle sa pamamagitan ng isang batas na maglagay sila ng gadget o device sa kanilang sasakyan para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Kaya naman sa pa­mamagitan ng isang memorandum circular ay may mandato anya ang ahensya na magkakaroon ng accreditation ng mga supplier na reliable na magpagbibigay ng mekanismo sa kanila at iba pang ahensya para mamonitor natin ang mga pangyayari.

Gagamitin anya ito hindi lamang sa mga pampasaherong bus kundi sa lahat ng PUV sa Metro Manila at maging sa buong bansa. Planong ipatupad ito sa susunod na mga taon.

Ang planong speed limiter ay kasunod ng trahedyang kinasangkutan ng isang bus ng Don Mariano Transit na nahulog sa Skway noong Lunes ng umaga dahil sa umano sa overspeeding na ikinasawi ng 18 pasahero nito at 20 pang sugatan.

Pinag-aaralan na rin ang panawagang bigyan ng buwanang suweldo ang mga bus driver.

Show comments