MANILA, Philippines - Umabot na sa 7.5 milyong mga bata at matanda sa Pilipinas ang walang “basic proof of identity†o birth certificate.
Ito ang nakasaad sa Senate Resolution 417 na inihain ni Senator Grace Poe na naglalayong imbestigahan ng kinauukulang komite ng Senado ang dahilan ng “unregistered births†at kung ilan na talaga ang kanilang bilang.
Ayon sa Plan International na nakabase sa United Kingdom at nag-o-operate sa 50 bansa sa Africa, Asia at Amerika, ang unregistered births ay isang sintomas ng isang hindi pantay na lipunan kung saan apektado ang mga batang ipinanganak sa mga mahihirap na pamilya.
Ayon kay Poe, isang basic human rights ang legal na maiparehistro ang pangalan at nationality ng isang mamamayan.
Sa Article 7 ng United Nations Convention, karapatan ng mga bata na maiparehistro at magkaroon ng pangalan at nationality sa sandaling sila ay maipanganak.
Ang birth registration aniya ng isang bata ang nagsasabi ng kaniyang opisyal na pagkakakilanlan na maaring magamit sa pagpasok niya sa eskuwelahan, paghahanap ng trabaho, pagtungo sa ibang bansa o pagtakbo sa isang pampublikong posisyon.
Ipinunto pa ni Poe na mahalaga rin ang birth registration dahil ito ang sentro ng vital statistics ng bansa na kinakailangan para sa social at economic planning.
Sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong Disyembre 11, 2013, isa sa bawat tatlong bata na ipinapanganak sa buong mundo o nasa 230 milyong bata sa 161 bansa na edad na 0-5 ay hindi nakarehistro.
Sinabi pa ng UNICEF na sa Pilipinas, 10 porsiyento ng mga batang may edad 0-5 taong gulang ang hindi rehistrado.
Base pa sa report, maraming pamilya sa mga rural areas ang kulang sa kaalaman kung papaano opisyal na ipaparehistro ang pangalan ng kanilang bagong silang na sanggol. Ipinunto rin ang mataas na fees at mahabang proseso sa pagkuha ng isang birth certificate.
Sabi ni Poe, mahalagang magkaroon ng 100 porsiyentong birth profiling dahil isa sa basic human right ng tao ang magkaroon ng legally-recognized na pangalan at nationality.