‘Boxing sports’ ng DepEd alisin -SB

MANILA, Philippines - Hinikayat  ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr., si Education Sec. Armin Luistro na tanggalin na ang lahat ng uri ng “combative at life-threatening” sports katulad ng boxing.

Ang panawagan  ni Belmonte ay kasunod ng pagkasawi ng 16 na taong gulang na si Jonas Joshua Garcia, estudyante na nacomatose matapos na lumahok sa boxing match sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) ng mga paaralan.

Ayon kay Belmonte, ipagbawal na ang ganitong sports sa mga sports event ng DepEd kabilang ang taekwondo at boxing.

Pinare-review din ng liderato ng Kamara ang linya ng mga sports sa mga paaralan upang hindi na maulit ang ganitong klase ng insidente.

Samantala, iniutos na ng Malacañang ang im­bestigasyon at pag-aaral sa pagkakaroon ng combative sports na itinataguyod ng DepEd.

Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., nakikiramay ang Palasyo sa pagkasawi ni Jonas Joshua Garcia.

Nagtamo ng clot sa ulo ang estudyante matapos ang sinalihan nitong boxing match sa CLRAA noong nakaraang linggo na ginanap sa Iba, Zambales.

Isinugod sa Ramon Magsaysay hospital sa Zambales ang estudyante at mula noon ay ‘brain dead’ na ito hanggang sa ilipat noong Huwebes sa UST hospital hanggang sa mapatiran na ito ng hininga kamakalawa ng hapon.

Ang kakambal ni Jo­shua na si Ralph Raven ang dapat ay lalaban sa CLRAA subalit mas ninais ni Joshua na siya ang lumaban ng boksing.

 

Show comments