MANILA, Philippines - Mahigit isang buwan matapos ang pananalasa ng supertyphoon Yolanda sa Eastern Visayas at karatig rehiyon, patuloy ang pagrekober ng pamahalaan sa mga bangkay kung saan umabot na ito sa 6,057 kahapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nanatili pa rin sa 1,779 ang bilang ng nawawala habang 27,468 ang sugatan.
May 16 milyon katao ang naapektuhan, habang 3.9 milyon ang nailikas at may 100,000 dito ang nanatili sa mga evacuation centers.
Tumaas naman ang bilang ng mga nasirang kabahayan sa 1,142,890, ang 551,453 dito ay totally damage habang may 591,437 ang bahagyang nasira.
Bagama’t ang ibang naapektuhang paliparan o airport ay fully functional, ang operasyon sa Tacloban City Airport ay limitado pa rin.
Ang pagrekober sa mga nasirang imprastraktura at agrikultura ang pinakamahirap na trabaho ng pamahalaan, dahil umabot na sa P7.2 million halaga ng pananim at bukirin ang nasira, samantala ang halaga ng nawasak na imprastraktura ay umabot na sa P14.48 million.