MANILA, Philippines - Umiskor ang tropa ng militar matapos malansag ang isang malaking regional landmine factory ng mga rebeldeng New People’s Army na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng 163 piraso ng landmine sa operasyon sa Sitio Mampait, Brgy Kauswagan, Loreto, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga.
Kasabay nito, ayon kay Capt. Alberto Caber, spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command ay nasilat ang planong pambobomba ng NPA rebels tulad ng ambuscades laban sa tropa ng militar at maging sa mga instalasyon ng gobyerno gayundin sa mga establisimyento ng mga negosyanteng kinokotongan ng mga rebelde.
Alas-10 ng umaga ayon kay Caber ng salakayin ng Army’s 1003rd Infantry Brigade ang malaking pabrika ng landmine ng NPA rebels sa pusod ng kagubatan na siyang nagsu-supply ng landmine sa buong rehiyon ng Eastern Mindanao.
Ito’y matapos makatanggap ang tropa ng militar ng impormasyon sa kanilang tipster na mga sibilyan.
Sinabi ni Caber napagod na ang mga residente sa lugar sa patuloy na paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng komunista kaya’t agad na nagsuplong sa mga sundalo.
Gayunman, wala ni isa mang rebelde ang nasakote ng mga sundalo sa operasyon na pinaniniwalaang mabilis na nakatakas matapos matunugan ang presensya ng tropa ng pamahalaan.
Mula 2010 hanggang sa kasalukuyan ay 453 landmine ang pinasabog ng NPA na ikinasawi ng 128 katao, 325 ang nasugatan habang marami pang pasilidad ng gobyerno at ari-arian ng mga sibilyan ang nawasak.