MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Overseas Workers Welfare Administration na mga miyembro ng OWWA ang pitong Pinoy na nasawi sa suicide bombing sa Yemen at tatanggap ang kani-kanilang pamilya ng tig-P220,000 bilang kaukulang benepisyo.
Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, ang nasabing halaga ay death at burial benefits ng isang overseas Filipino worker na napaslang habang nasa trabaho sa ibang bansa at nakatalang OWWA member.
Bukod sa nasabing tulong, ang pamilya ng mga nasawi ay maaari ring i-avail ang Education and Livelihood Assistance Program (ELAP) ng ahensya bilang scholarship grant para sa mga kuwaÂlipikadong dependent o anak ng mga napaslang na OFWs o kung walang asawa ay mga kapatid. Nag-aalok din ang OWWA ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P15,000 para sa asawa ng mga nasawing OFW.
Sinabi ni Dimzon na bagaman wala pang iskedyul ng pagdating sa bansa ng mga labi ng mga biktima ay handa na ang OWWA Repatriation Team na magbigay ng assistance sa paliparan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) posibleng bago mag-Pasko ay maiuwi na ang mga labi ng mga biktima.
Magugunita na noong Disyembre 5, inatake ng mga suicide bombers at armadong terorista ang Defense Ministry Complex ng Yemen kung saan matatagpuan ang ospital na pinapasukan ng mga OFWs.
May 52 katao ang nasawi sa insidente kabilang ang pitong Pinoy habang 170 katao ang sugatan kabilang ang 11 OFWs na nasa ligtas nang kondisÂyon.