Hepe ng Marawi police dinukot ng MILF, isa pinatay, 2 preso isinama sa pagtakas

MANILA, Philippines - Dinukot ng may 40 pinaghihinalaang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilalim ng pamunuan ng isang Commander Bravo ang Chief of Police ng Marawi at isinama pa ang dalawang preso ng Marawi City police station kahapon ng alas 12:10 ng madaling araw.

Si Commander Bravo ay commander ng MILF na nakabase sa Nusa, Wato Balindong sa nabanggit na lugar.

Sa ulat na nakara­ting sa Kampo Crame, sinabi na ang dinukot na police officer ay si P/Supt Christopher W. Panapan samantalang nabaril at napatay ng mga suspek ang isang nangangalang Malik, brother-in law ni Panapan.

Kasamang itinakas ng mga suspek ang dalawang preso sa naturang police station at saka dinala ang mga ito kasama si Panapan sa bahagi ng Wato, Ba­lindong Lanao del Sur gamit ang bangka.

Bago ang insidente, hinaras muna umano ng mga armadong suspek ang mga tauhan ng Marawi City police station bago ang pamamaril kay Malik at pagdukot sa hepe.

Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang Lanao del Sur Police Provincial Office laban sa mga rebelde.

Show comments