MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na hindi naging handa at labis na nabulaga ang bansa sa lakas ng super bagyong Yolanda na tumama sa Visayas Region partikular sa Samar at Leyte.
Sinabi ni Gazmin na sa sinumang bansa na tamaan ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ay siguradong mayayanig rin sa delubyo nito na ang signal ay umabot ng hanggang No. 4.
Ang bagyong Yolanda ay nagdulot din ng 20 talampakang tubig dagat na nag-storm surge sa Tacloban City na pinakagrabeng sinalanta noong Nob. 8, 2013 at ikinasawi ng libu-libong buhay.
Sinabi ni Gazmin na pinaplano na ng pamahalaan ang pagpapatupad ng ‘no build zone’ may 100 metro mula sa dalampasigan upang hindi na maulit ang insidente na nagpabura sa mapa sa Tacloban City.
Ayon pa sa opisyal, may aral na natutunan ang gobyerno sa delubyo ng bagyong Yolanda na magagamit sa hinaharap upang makapaghanda sa ganitong uri ng pinakamalakas na kalamidad na maaring tumama sa bansa.
Samantala, umaabot na sa P 27 bilyon ang iniwang pinsala ni Yolanda habang nasa 5,598 ang death toll pero dito’y di pa kabilang ang mahigit 2,000 bangkay na nairekord ng Task Force Cadaver sa Tacloban City.
Nasa 26,136 ang naÂsugatan at aabot sa 1,759 ang nawawala.