MANILA, Philippines - Nagbibigay na rin ng ayuda ang International Labor Organization (ILO) sa gobyerno ng Pilipinas para sa emergency employment ng mga manggagawang sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lawrence Jeff Johnson, ang Philippine Office Director ng ILO, makakatulong nang malaki ang emergency employment at cash for work program para agad na may maasahan ng ikabubuhay ang mga apektadong manggagawa.
Tinututukan ng ILO ang ikabubuhay ng may 2.2 milyon na bilang ng mga manggaggawa na bago pa man tumama ang kalamidad ay nagtatrabaho sa tinatawag na vulnerable sector o iyong lantad sa panganib.
Mainam umano na sa pagtulong ng gobyerno ay matiyak na hindi na rin babalik sa dati nilang mapaÂnganib na trabaho ang mga apektadong manggagawa.
Ayon kay Johnson, maisasakatuparan iyon kung matitiyak ng pamahalaan ang ligtas na working condition ng mga manggagawa at kung mapagkakalooban din sila ng social protection gaya ng insurance at accident insurance.